Ang responsibilidad na ipinamulat sa akin ng Brown –Out

Nakapapagod. Nais ko nang magpahinga sa responsibilidad.

Nang ako’y papauwi na galing sa workshop sa aking Dance Club, napansin ko na ang tipikal na kalsada sa maing barangay, bakit tila pundi ang mga ilaw, imbis poste ang aking maaninag ay mga kandila at flashlight sa kalsada. Wala rin yoong mga tambay sa tapat ng tindahan ni Ate Vilma para mag sound trip, maglaro ng mobile legends, ay siguro, lowbatt na itong mga ito, kaya nanahimik. Diretso pa at kaunti na lamang ay tatahakin ko na ang compound, at presto! Konpirmado nga, brown – out! Nako, nako, nako! Ang dami ko pang gagawing mga papeles, at gagawa pa ako ng mga artkulo para sa aming dyaryo! Natigil din ang pag w washing machine ng aking ama’t – ina, pati na ng aking mga lola.

Rinig na rinig ng aking tainga ang daing ng mga lola kong wala nang ginawa kundi kumayod upang umahon ang aming kanya – kanyang buhay, kaya sa isip isip ko, mabuti na rin itong brown – out, makapagpapahinga ang lahat, iyon nga lang, mainit at malagkit na pagpapahinga.

Hontahan. Kulitan.

Samantala, nainitan na ako, kaya nama’y dali – dali akong nangapit bahay at naabutan ko ang birthday girl kong pinsan na si Eirrich, na nagpapay-pay sa dalawang buwan kong pinsang si Summer, at naisip kong agawin ang pamaypay dahil birthday niya.

At sa aking pagpapaypay, doon na nagsimula ang aming kwentuhan.

“Alam mo Joy, noong bata ka, iyak ka nang iyak, ipamimigay ka na nga ng nanay mo eh, hahaha! Kung si Summer gabi – gabi kung mag concert, ikaw araw – araw! Tapos hanggang ngayon, iyakin pa rin, dalaga na eh!” ika ng Lola Nits ko.

Tawanan naman kami, hanggang sa nasa katabing bahay ang Ninang Cherrie ko, at nakisawsaw, “Wag iyong inaaway yan, Ate Joy natin yan,” na nagbigay ng kapanatagan sa akin, iyan talaga si Ninang, lagi kong kakampi iyan.

Hanggang sa nagpunta kami sa kwarto ng Baby Summer namin, dahil pinatutulog namin nina Ate Jenn, ang kaniyang ina, Ninang Cherrie, at Eirrich, anak ni Ninang, nang sabay – sabay.

Hanggang sa napunta ang hontahan sa takutan, iyak nang iyak si Eirrich, nagugulat din, eh.

Ano kayang magandang propesiyon paglaki?

Nagpunta kami sa terrace nina Ninang Cherrie, at naibulalas ko, “Ninang, ano kayang magandang propesiyon para sa akin?”

Hindi ko makalilimutan ang mga suhestiyon ni Ninang, at hindi naman din maitatanggi na may mga potensyal na mapunta sa katotohanan ang mga ito dahil sa aking personalidad.

“Abogado. Magaling ka kasi sumagot sa nanay mo, dyok! Magaling ka kasi mag –reasoning, Ate Joy. Maipaglalaban mo ang kasong hawak mo, tyaka magaling ka mag paikot – ikot at mag analyze.”

“Journalist. Kasi ate nakikita ko yung attitude na iyon sa’yo. Yakang – yaka mo dalhin ang sarili mo sa harap ng maraming tao, at may authority ka mag – salita, kaso nga lang…”

“Delikado.” sambit ko.

“Oo, kasi kung saan may sakuna, saan may isyu, nandon ka.”

“Taga - Audit sa bangko. Kasi mabilis ka mag – isip ng mga solusyon, sa mga problema, tska nakapagpapasunod ka ng mga tao, madali ka pakisamahan.”

Sa aking konklusyon, wala talaga sa isip nila na kaya kong mag Doktor, ang pinaka konkreto kong pangarap sa kasalukyan, kasi ako’y duwag, madaling mag panick, at iyakin!

Nakaatang na mabigat na responsibilidad sa aking balikat.

Habang tumatagal ang oras ng brown – out, lumalim din ang aming usapan. Ang usapang sa mula sa terrace, ay nagpahinga kami sa loob ng bahay nina Ninang Cherrie, at kung kasama kita, masisilayan mo rin si Lola Sana ko, at tila may napag – usapan kaming malalim na bagay.

Nagsalaysay siya, “Alam niyo ba, itong lupa natin, kanda kuba ang mga nanay namin, tatay, at ang mga nakatatanda kong kapatid, iyan sina Nanay Oma ninyo, para lang mahulugan para masiguro na may matirahan ang mga susunod naming henerasyon? Kayo iyon, ayan si Ate Jenn mo, may anak na, si Nanay Melo mo, at kayo, para sama – sama tayong tumanda at magkakasama tayo sa hirap at ginhawa. Para hindi tayo palaboy – laboy at may matatawag kayong sariling yaman niyo, na hindi lang materyal na lupa, pati na ang ating mga kwentuhan, tawanan, ay nakalagak dito.”

“Ikaw, Ate Joy, ang nakikitaan amin ng potensiyal na magtatanggol sa ating lupa pagdating ng panahon, siyempre, hindi natin masasabi ang panahon, dadating ang araw, mawawala kami, pero tandaan mo, kami ang mga ala- ala, at hinding – hindi namin kayo makakalimutan. Dadating ang araw, may mga sakim kayong makasasalamuha, at baka magka interes sa ating lupa, ipagtanggol niyo. Kahit may sari – sarili ka nang pamilya, wag mo pa ring ibaon sa limot na may responsibilidad kayong lahat sa ating lupa.”

“Kaya ikaw Ate Joy, habang may pagkakataon, ipinaiintindi namin ito sa’yo, bata ka pa, pero bukod sa mga clubs na pinamumunuan mo, isipin mo rin ang responsibilidad mo sa ating angkan.”

“Marahil, hindi mo naiintindihan sa ngayon, pero paglaki mo, pasasalamatan mo rin kami at naimulat ka naming patungkol dito.”

Natutuwa ako at na t touch sa tiwalang ibinigay nila, hindi nga naman biro ang mabigyan ng seguridad ang hinaharap. Kaya nagpapasalamat ako sa kanila.

Magpapahayag pa lamang aako ng aking pasasalamat.

Matapos ang apat na oras, nabuhay na muli ang mga ilaw, at nagsitunugan na ang mga electric fan.

“Oh diba, maganda rin ang naidudulot ng brown – out? Nakapagkukwetuhan tayo at naibabahagi ang saloobin patungkol sa bagay – bagay,” testimonya ni Lola Sana.

“Oo nga po, sana mag brown – out pa uli!” makulit na sinabi ng pinsang kong si Eirrich.

“Loka ka, matutulog na tayo, sige na tulugan na! Good Night Ate Joy!” senyales na ibinigay ni Ninang Cherrie na tapos na ang kwentuhan.

“Good Night din po, Thank you po sa tiwala,” nahihiwagahang sambit ko.

Nakamamangha. Bakit tuwing tatakbo tayo palayo sa isang responsibilidad, tila lapit pa rin ito ng lapit, at nadagdagan pa! Iyan ang misteryong, aabangan natin sa hinaharap; ang responsibidad na ipinamulat sa akin ng Brown – out.

ps: credits to the rightful owner of the picture.

Comments