Hindi ako Naniniwala sa Sinasabi ng Matatanda : Poetry for Buwan ng Wika 2020



Magmatyag sa iyong Kapaligiran.
Pakinggan ang daing ng Inang Bayan.

Kagutumang hindi mapuksa, Kawalan ng hustisya, Kinitil na pag-asa, panghuli'y Kahirapan
Bakit ba, para sayo, nabubuhay pa rin tayong makatarungan?

Siguro, ang tugon mo'y oo, dahil ikaw ay may pribilehiyo
Ngunit paano naman ang ating mga kababayang nasa laylayan ng kabilang dako?

Paano ka nananatiling tahimik, gayong kailangan nila ang boses mo;
Paano ka nakabubulong, kung sinisigaw na nila ang paghihikahos at paghingi ng saklolo

Hindi naman materyal na bagay ang hangad nila.
Dahil ang materyal na bagay ay nabibili ng pera.
Hustisya ang inaasam nila.
Nakakamit ito, gamit ang pagkakaisa at pagsasalita.

Ang pinaka magiting nating layunin?
Katotohanan ay wikain.
Nang sa gayon, mabago natin ang sistemang nakasanayan,
Sama sama tayong maging modernong bayani, ng ating kasaysayan.
____

Dahil para sa akin, ang wika ay katauhan ng kapayapaan.
Dahas, baril at espada'y maiiwasan,
Kung ang mga letra sa'yong puso at isipan, ang ating kayamanan.

Hindi ka ba nagtataka, kung bakit tayo lumaya?
Dahil ang ating mga bayani, ay nagkaisa.
Iba iba man ang pagpapahayag nila,
Iisa lang ang kanilang wika't gawa,
“Ipaglalaban ko ang bansa ko, hanggang sa huling hininga ko, ang puso ko’y para sa Pilipinas at Pilipino.”

Wika. Pagkakaisa.
___________
Wala sa edad, kasarian, o sa katayuan ang kapangyarihan.
Kundi nasa katapangang magpahayag ng saloobin at kaisipan.

Hindi ako naniniwala sa sinasabi ng matatanda,
“Wala na tayong magagawa.”
“Ano bang laban mo sa kanila, bakit sino ka ba?”
Hindi ako naniniwala sa sinasabi ng matatanda.
Para sa akin, pantay na karapatan, ay posible pa ring matamasa.
_________
Wikain mo ang lahat ng iyong nalalaman;
Hindi mo ito kasalanan;
Kahit pautal – utal man, at may panginginig pang kasangkapan,
Ang mahalaga ay sumubok ka;
Ang mahalaga ay nagsalita ka.
Ang mahalaga ay lumaban ka.
Hindi mo rin kasalanang umahon para mangalap ng bagong kaalaman
Ang kasalanan ay ang pananatiling lubog sa kamangmangan.
_____

Huwag kang mawalan ng pag – asa, kapwa ko Pilipino.
Sapagkat ang Inang Bayan, ay patuloy na aasa sa iyo.
Ang Inang Bayan, ay responsibilidad mo.

Maaari pa natin maranasan ang langit, kung magiging tapat ka Bayan,
At hindi sa pisikal na tao, at nagniningning na kayamanan, kasikatan at kapangyarihan.

Dahil ako’y sigurado't tapat,
Na boses ng iilan ay hindi sapat;
Ano lamang ang epekto't aangat?
Mabisang katuwiran, ang boses nating lahat
_____
Ano man ang iyong pamamaraan,
Iba man ito sa aking nakasanayan.
Tandaan mong sa huli, kakampi natin ang isa’t – isa.
Kakampi natin ang wika.

Ang wika, ay rebolusyon, laban sa takot at pang – aabuso.
Ang wika ay solusyon, para sa ekwalidad ng bawat Pilipino.
Ang wika ay ang lakas, kung ito ay gagamitin sa kabutihan.
kung ito naman ay instrumento sa pananalasa, Ang wika ay kahinaan.
Ang wika ay ang pagka dapa at pagbangon ng dahan dahan.
Ang wika ay ngayon, bukas at ng nagdaan.

Magmatyag sa iyong Kapaligaran.
Pakinggan sa daing Inang Bayan.
Hindi ako naniniwala sa sinasabi ng matatanda, na
“Wala na tayong magagawa.”
“Ano bang laban mo sa kanila, bakit sino ka ba?”
Hindi ako naniniwala sa sinasabi ng matatanda.
Maniwala ka, sa ebidensyang nakikita ng iyong mga mata.
Dumilat at kumurap.
Mga letra ng Katotohana'y isigaw sa alapaap.
Halina't sama sama nating baguhin ang kasaysayan, ng hinaharap.

Comments

Popular Posts