Nang Yakapin ko ang Buhay sa Dump Site
“Salamat te Joy, nabusog
po kami.”
Sa murang edad na labing-lima, nagkaroon ako ng
kamalayan ukol sa halaga ng pagtulong sa mga taong nasa laylayan ng lipunan.
Nagkaroon ako ng musmos subalit ganap na pagnanais na tumulong sa lipunan.
Pagsibol ng
Pagtulong
Naisip ko ang liblib na lugar na malayo sa aming
barangay.
Sa unang masid ay tanaw ko ang paligid na napaliligiran
ng napakaraming basura. Mga batang nagbubuhat ng sakong may lamang mga papel.
Mga inang may heleng sanggol at sa tabi nito at iba pa niyang mga anak na
kanyang pinapaypayan.
Ngunit ang pinakanakapukaw ng aking atensyon ay ang
mga batang gutom at naghahanap ng pagkaing maari pang maging laman ng
kanilang sikmura sa bawat basurahan.
Sa hindi inaasahang pagkakataon, nagkaroon ako ng
opurtunidad at pagkakataong maging Ina dahil sa mga batang may kakulangan sa
timbang. Nagsilbi itong ideya na naging hamon sa akin, na makatulong, sa murang
edad, sa musmos na kaisipan. Kailangan nila ng isang kaibigan, ate at nanay.
Sa unang araw ko, tila ang lahat ay tinitingnan ako
mula ulo hanggang paa. Sabik ako ngunit kinakabahan dahil bihirang makakita ng
Inang mag-aalaga ng mga anak na hindi niya naman kilala.
Unti-unting kaming nag kakilala, nalaman ko ang istorya
ng kanilang buhay. Sunod-sunod na tawanan dahil sa kanilang batuhang aasaran.
Kay sarap maging Ina! Kay sarap maramdamang malapit ang loob ko sa aking mga
anak.
Sa maikling panahon, nagsilbi akong inang paslit sa
kung tutuusin ay hindi ko naman kilala. Nagkaroon ako ng mga anak na hindi
pamilyar sa akin. Na hindi ko kadugo.
Nalalanta na ang sumibol na
adhikain.
Habang tumatagal ang aking ginagawang pag-aaruga sa
aking mga anak, pahirap nang pahirap ang naging paglalakbay ko. Paunti na
nang paunti ang sumasama sa akin sa tambakan ng basura. Nababawasan din ang
aking pondo. Nauubusan na ako ng oras.
Pero naging inspirasyon ko ang kahihinatnan ng aking
pagiging Ina.
Sa bawat abot ko ng mga lugaw, sopas, lomi, champarado
na nasa tasa, nagsilbing lakas ko ang masilayan ang kanilang ngiti. Napayapa
ang aking puso.
Tinuruan ko rin silang sumayaw, magkulay at magbasa.
Ganito pala maging Ina, hindi ka makukuntento. Nais
mong ibigay ang lahat sa abot ng iyong makakaya. Nais mong ibahagi ang lahat
ng iyong nalalaman. Kahit pagod ka na, imbis na magpahinga, ay lalo ka pang
magaganahang pagsilbihan sila.
Kaya kapag may panahon, bumibisita ako doon kahit
tapos na ang aking gampanin sa kanila. Nakatutuwang isiping tumatak kami sa
puso’t isipan ng isa’t-isa. Ang sayang dulot ng pagtulong ay walang kapantay.
Kahit anong bigat ng aking trabaho ay napalitan ito ng kanilang mga ngiti at
pasasalamat.
Natulungan din nila akong mapalago ang aking sarili.
Magkaroon ng bagong kaibigan. Natutong magmalasakit sa mga taong kapos-palad.
“Salamat Nanay Joy, hanggang sa uulitin po!” sambit
nila habang nakabakas ang ngiti sa kanilang mga labi.
Ang pagiging ina at ang pagtulong ay hindi isang
pribelehiyo, isa itong napakalaking responsibilidad.
Comments
Post a Comment